290 likes | 590 Views
Kataga ng Buhay. Agosto 2009. “Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.” (Jn 13, 1). Alam mo kung anong bahagi ito sa Ebanghelyo?.
E N D
Kataga ng Buhay Agosto 2009
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.”(Jn 13, 1)
Nakasulat ito sa aklat ni San Juan tungkol sa Huling Hapunan, nang maghuhugas na si Jesus ng paa ng Kanyang mga alagad at naghahanda na Siya sa Oras ng Paghihirap.
Noong mga huling sandali na inilaan ni Jesus para sa Kanyang mga tagasunod, ganap Niyang ipinahayag sa kanila ang Kanyang pinakamataas na antas ng pag-ibig.
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.”(Jn 13, 1)
Ibig sabihin ng mga salitang “hanggang sa wakas” ay hanggang sa katapusan ng Kanyang buhay, hanggang sa Kanyang huling hininga. Ngunit ibig sabihin din nito ay kaganapan, na ang pag-ibig Niya para sa kanila ay ganap, lubos, matindi at may pinakamataas na antas.
Ang mga alagad ni Jesus ay mananatili sa mundo samantalang Siya ay aakyat sa Kanyang kaluwalhatian. Mararamdaman nilang sila’y nag-iisa at maraming pagsubok na haharapin. Dahil dito, nais tiyakin ni Jesus ang Kanyang pag-ibig para sa kanila.
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.”(Jn 13, 1)
Hindi mo ba nakikita sa katagang ito ang buong buhay ni Jesus, ang Kanyang paraan ng pagmamahal? Naghugas Siya ng paa ng Kanyang mga alagad. Ang Kanyang pag-ibig ang nagtulak sa Kanya sa ganitong mababang paglilingkod na noong panahong iyon ay nakalaan lang para sa mga alipin.
Sa kabila ng Kanyang mga di-pangkaraniwang pananalita, milagro at iba pang ginawang mga bagay, naghahanda ngayon si Jesus sa trahedya ng Kalbaryo, kung saan ilalaan Niya ang Kanyang buhay para sa “kanyang mga tagasunod” at para sa lahat.
Alam Niya ang kanilang malaking pangangailangan, ang mahigpit na pangangailangan na makalaya sa kasalanan. Ibig sabihin nito ay makalaya sa kamatayan, at makapasok muli sa kaharian ng langit. Siya lamang ang makakapagbigay ng kapayapaan at kaligayahan ng buhay na walang hanggan.
Kaya’t inihandog ni Jesus ang sarili hanggang kamatayan. Napasigaw Siya nang maramdaman Niyang pinabayaan Siya ng Ama, ngunit nasambit Niya sa katapusan, “Naganap na.” Natapos na ang lahat.
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.”(Jn 13, 1)
Sa mga salitang ito, makikita natin ang matibay na pag-ibig ng Diyos at ang maingat na pagmamahal ng isang kapatid. Tayong mga Kristiyano, dahil nasa atin si Kristo, ay maaari ring magmahal nang ganito.
Hindi ko sinasabing tularan si Jesus na mamatay din para sa iba tulad nang ginawa Niya nang dumating ang sandaling iyon. Hindi ko rin ibinibigay na huwaran si Padre Kolbe na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapwa bilanggo. O kaya ay tulad ni Padre Damien na nahawa sa ketong ng kanyang mga kasamahan at namatay para sa kanila, kasama nila.
Maaaring sa buong buhay mo ay hindi hihilingin sa iyo na mag-alay ng buhay para sa kapwa. Ngunit ang tiyak na hinihingi sa iyo ng Diyos ay mahalin mo sila “hanggang sa wakas,” hanggang masambit mo, “Naganap na.”
Ito ang ginawa ng isang batang Italyana na si Lisa. Nakita niya na lubhang malungkot ang kanyang kaklase at kaibigang si Georgina. Sinikap niyang aluin siya ngunit walang nangyari. Kaya’t inalam niya kung bakit ganoon kalungkot ang kanyang kaibigan.
Nalaman niyang namatay ang ama ni Georgina, at iniwan siya ng nanay sa kanyang lola at sumama sa ibang lalaki. Nang malaman ni Lisa ang trahedyang ito, nagpasya siyang kumilos. Kahit bata pa si Lisa ay tinanong niya si Georgina kung maaari niyang makausap ang kanyang ina. Ngunit nakiusap muna si Georgina na samahan siya sa puntod ng kanyang ama. Buong pag-ibig niyang sinamahan siya. At narinig niya ang pag-iyak at pagsusumamo ni Georgina sa ama na isama na rin siya sa kabilang buhay.
Parang nadudurog ang puso ni Lisa. Sa malapit ay may isang maliit at sirang simbahan kaya’t pumasok sila doon. Naroon pa rin ang isang maliit na tabernakolo at isang krus. Sinabi ni Lisa, “Tingnan mo, lahat ng bagay sa mundo ay masisira, ngunit mananatili ang krus at ang Eukaristiya.” Pinahid ni Georgina ang kanyang luha at nagsabi, “Tama ka!” At buong pagmamahal na inakay ni Lisa si Georgina patungo sa kanyang ina.
Pagdating nila doon ay buong tapang na nagsalita si Lisa, “Alam ko pong hindi ko ito tungkulin, ngunit nais kong sabihin sa inyo na iniwan n’yo ang inyong anak at nawalan siya ng pag-ibig ng isang ina na higit niyang kinakailangan ngayon. Nais ko pong sabihin sa inyo na hinding-hindi kayo matatahimik hangga’t hindi nagsisisi at hindi ninyo kinukuhang muli ang inyong anak para manirahang kasama niya.”
Kinabukasan ay nagkita sila at sinikap muli ni Lisa na aluin si Georgina. Ngunit may bagong pangyayari ng araw na iyon: isang kotse ang sumundo kay Georgina pagkatapos ng klase, nanay niya ang nagmamaneho. Mula noon ay laging sinusundo si Georgina dahil kasama na niya sa bahay ang kanyang ina at pinutol na rin niya ang ugnayan sa lalaking kinakasama.
Kung titingnan natin ang maliit ngunit dakilang bagay na ginawa ni Lisa, masasabi natin, “Naganap na.” Ginawa niyang mabuti ang lahat “hanggang sa wakas”, at nagtagumpay siya.
Isipin natin. Ilang beses tayong nagsimulang tumulong sa kapwa ngunit pagkatapos ay itinigil natin at nagbigay ng maraming dahilan upang patahimikan ang ating kalooban? Ilang beses tayong masigasig na nagsimula pagkatapos ay hindi nagpatuloy dahil sa mga pagsubok na palagay natin ay higit sa ating kakayahan? Ang aral na ibinibigay sa atin ni Jesus ay:
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan,at inibig niya sila hanggang sa wakas.”(Jn 13, 1)
Umibig hanggang sa katapusan. At kung isang araw ay tunay na hihilingin ng Diyos ang ating buhay, hindi tayo mag-aatubili. Matutulad tayo sa mga martir na umaawit habang humaharap sa kamatayan.
Ang gantimpala ay ang pinakadakilang kaluwalhatian, dahil sinabi ni Jesus, “Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.”
“Inibig niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at inibig niya sila hanggang sa wakas.”Jn 13, 1) Sinulat ni Chiara Lubich