E N D
Kataga ng Buhay Enero 2014
Mula ika-18 hangang 25 ng Enero ay ginaganap sa maraming bahagi ng mundo ang Linggo ng Pagdarasal para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano. Sa ibang lugar ginaganap ito sa Pentekost. Ang tema para sa Linggo ng Pagdarasal sa 2014 ay galing sa unang sulat ni San Pablosa mga taga- Corinto,( 1 Cor. 1:13): ‘Nahahati ba si Kristo? Linggo ng Pagdarasal para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano mula ika-18 hangang ika-25 ng Enero ‘Nahahati ba si Kristo?’ ( 1 Cor. 1:13)
Noon, ngako-komento si Chiara Lubich sa temang kataga ng bibliya, taun-taon. Upang mapagpatuloy ang kanyang kontribusyon, ibinabahagi naming ang isa sa kanyang mga komentaryo sa katagang “Si Kristo, ang tanging pundasyon ng Simbahan” 1 Cor 3:11 na maaaring makatulong sa atin sa pagpapalalim n gating kaunawaan ng nabanggit na Salita ng Diyos.
“Si Kristo, ang tanging pundasyon ng Simbahan” (cf 1 Cor 3:11).
Noong taong 50 mula sa pagsilang ni Kristo, dumating si apostol Pablo sa Korinto, ang dakilang lunsod sa Greece na kilala bilang mahalagang daungang pangkomersyo. Masigla rin ang siyudad na ito laluna sa larangan ng kultura dahil sa marami at iba’t ibang uri ng kaisipang namamayani dito.
Labingwalong buwan siyang tumigil doon upang magpahayag ng Ebanghelyo at magtatag ng isang lumalagong komunidad ng mga Kristiyano. May mga sumunod sa kanya at ipinagpatuloy ang gawain ng pagpapahayag,
Subalit ang mga bagong Kristiyanong ito ay piniling sumunod sa taong nagdala sa kanila ng mensahe ni Kristo sa halipna kay Kristo mismo.
Nagkaroon ng hidwaan: “kay Pablo ako,” ang sabi ng iba. Ang iba naman ay sa kanilang paboritong apostol: “Kay Apollo ako,” o “kay Pedro ako”.
Dahil sa pagkakahati-hati na nagpagulo sa komunidad, matinding namagitan si Pablo. Inihalintulad niya ang Simbahan sa isang gusali o templo at iginiit na bagama’t ang mga nagtayo ng Simbahan ay marami, tanging isa lamang ang pundasyon,ang buhay na bato: si Jesucristo.
Sa buwang ito, lalo na sa Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano, nagkakatipon ang mga Kristiyanong Simbahan at komunidad upang alalahanin na si Kristo lamang ang tanging pundasyon, at tanging sa pagsunod sa Kanya at sa pagsasabuhay ayon sa Kanyang Ebanghelyo mararating ang ganap at nakikitang pagkakaisa ng mga Kristiyano.
Ang ibig sabihin ng iugat ang ating buhay kay Kristo ay makiisa sa Kanya, mangatwiran na kagaya Niya, naisin lamang ang ninanais Niya, at mamuhay kagaya ng pamumuhay Niya.
Subalit paano tayo magiging nakaugat sa Kanya? Paano tayo magiging kaisa Niya? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo.
Si Jesus ang Salita, ang Salita ng Diyos na nagkatawang tao. Kung Siya ang Salita na naging tao, tayo ay magiging tunay na Kristiyano sa pagiging mga babae at lalaking pinupuno ang buong buhay ng Salita ng Diyos.
Kung nabubuhay tayo ayon sa Kanyang salita, o kung nananahan sa atin ang Kanyang mga salita at ginagawa tayong mga “ buhay na Salita”, tayo ay kaisa Niya, na parang nakabigkis sa Kanya; ako o tayo ay mawawala na, subalit ang Salita ay mananatili at magiging buhay sa ating lahat.
Naniniwala tayo na sa pagsasabuhay sa ganitong paraan, makakatulong tayo upang makamit ang pagkakaisa ng lahat ng mga Kristiyano.
Kung paanong ang katawan ay kailangang huminga para mabuhay, gayundin ang kaluluwa ay nakakatagpo ng bukal ng buhay sa pagsasabuhay ng Salita ng Diyos.
Isa sa mga unang bunga ng pagsasabuhay na ito ay ang pananahan ni Jesus sa ating piling.
Nangangahulugan ito ng pagbabago ng ating pananaw sa mga bagay-bagay: itinatanim nito sa puso ng lahat (maging sila ay Europeo, Asyano, Australyano, Amerikano o Afrikano) ang katulad na damdamin ni Kristo sa pagharap sa anumang sitwasyon o pakikipagtagpo sa kaninumang tao at komunidad.
Ang pagsasabuhay na ito ang magpapalaya sa atin sa makataong pala-palagay. Ito ang pinagmumulan ng kasiyahan, kapayakan, kaganapan ng buhay at liwanag. Nakakatulong ito sa atin na sundan si Kristo upang unti-unting maging katulad Niya.
Subalit may isang salitang pinakabuod ng lahat ng ito, at ito ay ang pagmamahal: ang mahalin ang Diyos at kapwa. Sa dalawang kautusang ito ni Jesus nakapaloob “ang buong kautusan at ang mga propeta“. (cf Mt 22,40)
Ang mga katagang nakapaloob sa Banal na Kautusan, bagamat ipinahayag sa makatao at iba’t ibang paraan, ay mga salita ng Diyos, at dahil ang Diyos ay Pag-ibig, ang lahat ng Kanyang salita ay pag-ibig.
Ano ang dapat nating mithiin sa buwang ito? Paano tayo mapapalapit kay Kristo “ang tanging pundasyon ng Simbahan”? Sa pamamagitan ng pagmamahal kagaya ng itinuro Niya sa atin.
Sinabi ni San Agustin, “Magmahal at gawin ang anumang nais mo” (In Jo. Ep. Tr., 7,8). Dito ay ipanapahayag niya ang kabuuan ng batas ng pagmamahal ng Ebanghelyo, dahil sa pagmamahal, hindi tayo magkakamali. Dadalhin tayo ng pagmamahal upang ganap na maisakatuparan ang kalooban ng Diyos.
“Si Kristo, ang tanging pundasyon ng Simbahan” Isinulat ni: Chiara Lubich