300 likes | 595 Views
Kataga ng Buhay. Mayo 2011. “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.” ( Mt 22,37). Alin ang una sa maraming utos sa Kasulatan? Ito ay isa sa mga paksang kadalasang tinatalakay sa mga paaralan ng mga Hudyo noong panahon ni Jesus.
E N D
Kataga ng Buhay Mayo 2011
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.” (Mt 22,37)
Alin ang una sa maraming utos sa Kasulatan? Ito ay isa sa mga paksang kadalasang tinatalakay sa mga paaralan ng mga Hudyo noong panahon ni Jesus.
At si Jesus na itinuturing na guro, ay hindi umiiwas sa mga tanong tulad ng: “Alin ang pinakamahalaga sa mga Kautusan?” Tumugon Siya sa paraang di-pangkaraniwan, pinagsama Niya ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.
Tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na huwag kailanman paghihiwalayin itong dalawang pag-ibig. Ang ugat ng puno ay hindi dapat mawalay sa kanyang katawan. Kapag higit ang pag-ibig sa Diyos, lalong nag-iibayo ang pag-ibig sa kapwa. Gayundin, habang lalong minamahal ang kapwa, higit na lumalalim ang pag-ibig sa Diyos.
Higit kaninuman, alam ni Jesus kung sino ang Diyos na dapat nating mahalin at kung paano Siya mamahalin: ito ang Diyos na Kanyang Ama at atin ding Ama, Kanyang Diyos at atin ding Diyos. Siya ay Diyos na personal na nagmamahal sa bawat isa sa atin; minamahal Niya ako, minamahal ka Niya. Siya ay aking Diyos, at iyong Diyos (“Ibigin ang Panginoon mong Diyos.”)
At maaari natin Siyang mahalin dahil nauna Siyang nagmahal sa atin. Ang pagmamahal na iniuutos Niya sa atin ay tugon lamang sa Kanyang pagmamahal, sa Diyos na Pag-ibig. Maaari tayong lumapit sa Kanya nang may lubos na pagtitiwala, katulad ni Jesus noong tinawag Niya ang Diyos ng Abbà, Ama.
Tayo rin, tulad ni Jesus, ay maaaring madalas na makipag-usap sa Kanya; sabihin sa Kanya ang ating mga pangangailangan, mga pasya at balak; masasabi natin sa Kanya ang ating natatanging pagmamahal na para lamang sa Kanya.
Tayo rin ay sabik na naghihintay ng sandali kung saan maaari tayong malalim na makipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalanging ito ay isang pakikipag-usap, pakikiiisa, isang malalim na ugnayan ng pakikipagkaibigan.
Sa mga sandaling ito, maaari nating ipahayag ang ating pagmamahal sa Kanya: purihin Siya bilang Panginoon ng lahat ng nilikha, dakilain Siya sa lahat ng dako ng sanlibutan, parangalan Siya sa kaibuturan ng ating puso at buhày sa lahat ng tabernakulo, isipin na Siya ay naroon saanman tayo – sa ating silid, sa trabaho, sa opisina, habang kasama ang ibang tao...
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.”
Tinuturuan tayo ni Jesus ng isa pang paraan upang mahalin ang Diyos. Para kay Jesus, ang magmahal ay nangangahulugan ng pagtupad sa kalooban ng Ama, pag-aalay ng ating isip, puso at lakas, ng ating buhay sa paglilingkod sa Kanya. Buong pusong inialay ni Jesus ang Kanyang sarili upang maisakatuparan ang plano ng Ama para sa Kanya.
Ipinapahayag sa atin ng Ebanghelyo na si Kristo ay laging ganap na nakatuon sa Ama, laging kaisa ng Ama. Sinasabi lamang Niya ang mga bagay na narinig Niya mula sa Ama at ginagawa lamang ang mga bagay na sinabi ng Ama.
Ito rin ang hinihingi Niya sa atin: ang magmahal ay nangangahulugan ng pagsasakatuparan ng kalooban ng Minamahal, nang walang pag-aalinlangan, at ng buo nating pagkatao: “nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.”
Ang pagmamahal ay hindi lamang isang damdamin. “Bakit n’yo ako tinatawag ng ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi n’yo naman ginagawa ang sinasabi ko?” Ito ang tanong ni Jesus sa mga taong umiibig sa Kanya sa salita lamang.
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.”
Paano natin isasabuhay ang utos na ito ni Jesus? Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnay sa Diyos bilang Kanyang anak at kaibigan. Higit sa lahat, sa pagtupad ng mga nais Niya.
Ang ating saloobin sa Diyos, tulad ng kay Jesus, ay ang manatiling nakatuon sa Kanya, nakikinig sa Kanya, sumusunod sa Kanya, upang maisakatuparan ang Kanyang gawain – tanging ito lamang at wala ng iba.
Upang magawa ito, hinihingi sa atin na maging radikal sa ating mga pagpili at uri ng pamumuhay, sapagkat hindi natin maaaring ibigay sa Diyos ng kulang ang anumang mayroon tayo: ang ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip. Nangangahulugan ito na buong husay na gawin at ganap na isakatuparan ang anumang hinihingi Niya sa atin.
Ang isabuhay at iayon ang ating sarili sa Kanyang kalooban ay malimit humihiling sa atin na isantabi ang ating sariling kalooban, iwaksi ang anumang bagay na nasa ating puso o isipan na di-nauukol sa kasalukuyang sandali. Maaaring ito’y isang ideya, damdamin, o isang kaisipan, pagnanais, alaala, isang bagay o isang tao...
Sa ganitong paraan, ang tangi nating nanaisin ay gawin ang anumang hinihingi sa atin sa kasalukuyang sandali. Habang nagsasalita, nakikipag-usap sa telepono, nakikinig, tumutulong sa kapwa, nag-aaral, o nananalangin, kumakain o natutulog, isabuhay natin ang Kanyang kalooban nang hindi nag-iisip ng ibang bagay.
Isakatuparan natin ang mga gawain nang ganap, nang buong husay, nang buong puso, kaluluwa at pag-iisip na isa lamang ang tanging layunin sa lahat ng ating ginagawa – magmahal. Sa ganitong paraan, masasabi natin sa Kanya, sa bawat sandali:
“Oo, aking Diyos, sa sandaling ito, sa aking ginagawa, iniibig kita nang buo kong puso, nang buo kong pagkatao.” Sa ganitong paraan lamang natin masasabi na iniibig natin ang Diyos at tumutugon tayo sa Kanyang Pag-ibig sa atin.
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.”
Upang maisabuhay itong Kataga ng Buhay, makakatulong na suriin natin tuwina ang ating sarili upang tingnan kung ang Diyos nga ba ang nangunguna sa ating buhay.
Panibaguhin natin ang pagpili sa Diyos bilang tanging mithiin, bilang lahat-lahat sa ating buhay, at ibalik Siyang muli sa unang lugar, isabuhay nang ganap ang Kanyang kalooban sa kasalukuyang sandali.
Kailangang masabi natin nang buong tapat sa Kanya: “Panginoon ko at Diyos ko,” “Iniibig kita,” “Ako’y iyong-iyo,” “Ikaw ay Diyos, Ikaw ay aking Diyos, ang aming Diyos ng walang hanggang pag-ibig!”
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.” (Mt 22,37) Sinulat ni Chiara Lubich