220 likes | 448 Views
Kataga ng Buhay. Hulyo 2010. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.” ( Mt 13, 45-46).
E N D
Katagang Buhay Hulyo 2010
“Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.” (Mt 13, 45-46)
Sa maikling talinghagang ito, napakalinaw ng paglalarawan ni Jesus. Alam ng lahat ang halaga ng perlas: tulad ng ginto, ito ang pinakamahalagang bagay na maaaring makamit ng tao.
Binanggit din ng Ebanghelyo ang karunungan, ang pagkakilala sa kalooban ng Diyos. Napakahalaga nito kaya’t hindi ito maihahambing sa anumang “mamahaling alahas.”
Ang nangingibabaw sa talinghagang ito ay ang paglalarawan ng kakaiba at kamangha-manghang pangyayari: ang mangangalakal ay nakakita ng isang perlas, maaaring sa tindahan; tanging ang kanyang mapanuring mata ang nakakita na ang perlas na ito ay mamahalin. Maaari siyang magtamo ng malaking tubo mula dito.
Kaya’t nagpasya siya, matapos ng masusing pagsusuri na makabubuting ipagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang perlas. Sino nga ba naman ang hindi ganito ang gagawin?
Ito ang malalim na kahulugan ng talinghaga: ang perlas ay ang matagpuan si Jesus, ang kaharian ng Diyos sa ating piling. Ito ang bukod-tanging pagkakataon na hindi natin dapat palampasin, na dapat pagbuhusan ng lahat ng lakas at yaman.
“Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na ang mga alagad ni Jesus ay nahaharap sa isang mabigat na pagpili. Upang makasunod kay Jesus, kailangan nilang iwanan ang lahat – ang lahat na higit nilang pinahahalagahan, tulad ng pagmamahal ng pamilya, katiwasayan sa pananalapi, katiyakan sa hinaharap.
Ngunit hindi humihingi si Jesus ng isang bagay na walang dahilan o hindi makatwiran. Sa “lahat” na ating iiwanan, tayo ay makakatagpo ng “lahat” at walang anumang hihigit pa sa halaga nito. Sa tuwing si Jesus ay hihingi, Siya ay nangangako ng labis-labis pa.
Sa talinghagang ito, tinitiyak Niya sa atin ang isang kayamanan na magpapayaman sa atin magpakailanman. Kung tila isang pagkakamali na iwanan ang isang tiyak na bagay sa isang walang katiyakan, isang pag-aari kapalit ng isa lamang pangako, alalahanin natin ang mangangalakal na iyon: dahil alam niya na ang perlas ay napakahalaga, buong tiwala siyang makapaghihintay ng magiging tubo nito.
Gayundin, batid at nakikita sa pamamagitan ng pananampalataya ng sinumang nagnanais sumunod kay Jesus, na isang napakalaking gantimpala ang maging tagapagmana ng kaharian ng Diyos, kapalit ng lahat niyang iniwan, kahit sa espiritu lamang.
Bukod dito, ang pagkakataong ito’y ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng tao.
“Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.”
Ito ay isang matibay na paanyaya na isantabi ang lahat na maaaring umagaw sa lugar ng Diyos sa ating puso tulad ng trabaho, pamilya, pag-aaral, magandang bahay, propesyon, laro o libangan.
Ito ay isang paanyaya na ibigay sa Diyos ang unang lugar sa ating puso. Lahat ng bagay sa ating buhay ay dapat ituon sa Kanya sapagkat lahat ng bagay na dumarating sa atin ay mula sa Kanya.
Kung ganito ang ating gagawin, kung ating “hahanapin ang Kanyang kaharian” tulad ng pangako sa Ebanghelyo, ipagkakaloob sa atin ang lahat ng ating kinakailangan. Kung isasantabi natin ang lahat para sa kaharian ng Diyos, “makakatanggap tayo ng makasandaang ibayo sa tahanan, kapatid, ama o ina, dahil ang Ebanghelyo ay tunay na bahagi ng buhay ng tao. Si Jesus ay Diyos at Tao, ipinangako Niya sa atin hindi lang ang pagkaing espiritwal, bagkus din ang tinapay, tahanan, damit, pamilya at lahat-lahat.
Mula sa “maliliit”, maaari tayong matuto na higit na magtiwala sa Pagkalinga ng Ama, dahil hindi Siya nagkukulang na magbigay sa mga taong ibinigay ang kahit kakaunti nilang pag-aari dahil sa pagmamahal.
Kamakailan lang ay may isang grupo ng mga kabataan mula sa Congo, Africa na gumawa ng “postcard” mula sa balat ng saging at pagkatapos ay ipinagbili ang mga ito sa Germany. Noong una ay itinabi nila ang naging tubo para sa sarili dahil ilan sa kanila ay kailangang tumulong sa pamilya. Ngunit pagkatapos ay nagpasya sila na ibahagi ang kalahati nito upang tumulong sa tatlumpo’t limang kabataan na walang trabaho.
Maraming nakaalam ng kanilang karanasan. Nakaabot ito sa ilang mamimili na naghahanap ng mga trabahador, kaya’t inalok nila ang mga kabataang ito ng permanenteng trabaho. Hindi natin malalampasan ang Diyos sa Kanyang kabutihang-loob.
“Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang napakahalagang perlas, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.” (Mt 13, 45-46) Sinulat ni Chiara Lubich