280 likes | 528 Views
Kataga ng Buhay. Oktubre 2010. “Mahalin ang kapwa tulad ng sarili.” ( Mt 22,39).
E N D
Katagang Buhay Oktubre 2010
Matatagpuan din ito sa Lumang Tipan. Sa pagtugon sa isang tanong, inilagay ni Jesus ang sarili Niya sa sitwasyon ayon sa tradisyon ng mga dakilang propeta at guro na naghahanap ng bagay na nag-uugnay sa Torah, ito ang mga turo ng Diyos na napapaloob sa Bibliya.
Sinabi ni Rabbi Hillel, “Huwag gawin sa iyong kapwa ang mga bagay na iyong kinapopootan, ito ang buong batas. Ang lahat ay pagpapaliwanag lang.”
Para sa mga guro ng Relihiyon ng mga Hudyo, ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pag-ibig sa Diyos na lumikha sa tao ayon sa Kanyang larawan. Kung gayon, hindi maaaring mahalin ang Diyos kung hindi mamahalin ang Kanyang nilalang: ito ang tunay na dahilan ng pagmamahal sa kapwa, at ito ay “isang dakila at pangkalahatang panuntunan sa batas.”
Inulit ni Jesus ang alituntuning ito at idinagdag pa na ang utos na mahalin ang kapwa ay tulad ng una at pinakadakilang utos, ang mahalin ang Diyos nang buong puso, isip at kaluluwa.
Upang pagtibayin ang pagkakahawig ng dalawang utos, pinag-ugnay ito ni Jesus, tulad ng tradisyon ng mga kristiyano. Maliwanag na sinabi ni San Juan, “Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?”
Maliwanag na sinasabi ng buong Ebanghelyo, “Ang kapwa ay ang bawat tao, lalaki o babae, kaibigan o kaaway. Ang pag-ibig sa kapwa ay pangkalahatan at personal. Niyayakap nito ang sangkatauhan at ipinapahayag ito sa ating pakikitungo sa kapwang nakakatagpo araw-araw.
Tayo ba ay may malaking puso? Paano natin magagawang ituring na kapwa ang isang taong hindi natin kakilala o kaya’y lampasan ang pagmamahal natin sa sarili at makilala ang sarili natin sa ibang tao?
Ang Diyos ang nagkaloob nito, ang pag-ibig ng Diyos na “ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob na sa atin.”
Kaya’t hindi ito pangkaraniwang pag-ibig, hindi pangkaraniwang pakikipagkaibigan o pagkakawang-gawa. Ito ay ang pag-ibig na ibinuhos sa ating mga puso noong tayo’y bininyagan, ang pag-ibig na siyang buhay ng Diyos, ng Banal na Santatlo.
Ang pag-ibig ay lahat-lahat. Ngunit upang tunay na makapagmahal, dapat nating malaman ang ilang katangian nito na nagmumula sa Ebanghelyo at sa Banal na Kasulatan. Napapaloob ito sa ilang pangunahing puntos.
Una sa lahat, si Jesus na namatay para sa lahat at nagmahal sa lahat ay nagturo sa atin na ang tunay na pag-ibig ang magtutulak sa atin na mahalin ang lahat. Hindi ito tulad ng simpleng makataong pagmamahal na para lamang sa mga kamag-anak, kaibigan at ilang tao. Ang tunay na pag-ibig na hinihiling sa atin ni Jesus ay walang kinikilingan.
Hindi mahalaga kung ang isang tao ay mabait o hindi, maganda o hindi, matanda o bata, kababayan o banyaga, kasamahan sa Simbahan o hindi, kabilang sa parehong relihiyon o hindi. Ito ay ang pag-ibig na para sa lahat. Kaya’t ganito rin ang dapat nating gawin: mahalin ang lahat.
Ang ikalawang katangian ng tunay na pag-ibig ay nagtutulak sa atin na mauna tayong magmahal, hindi naghihintay na mahalin tayo ng iba. Kalimitan, tayo ay nagmamahal dahil tayo ay minahal. Ngunit ang tunay na pag-ibig ay nauunang magmahal, tulad ng ang Diyos Ama ang unang nagmahal sa lahat. Noong tayo ay mga makasalanan pa at hindi pa nagmamahal, ipinadala ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas tayo.
Kaya’t mahalin natin ang lahat at mauna tayong magmahal. Isa pang katangian ng tunay na pag-ibig ay ang pagkilala kay Jesus sa bawat kapwa: “Ginawa mo ito sa akin,” na siyang sasabihin sa atin ni Jesus sa Huling Paghuhukom. Tinutukoy nito ang mga kabutihang ating ginawa, gayundin ang masasama.
Ang tunay na pag-ibig ang nagtutulak sa atin na mahalin ang isang kaibigan, gayundin ang kaaway: gumawa ng mabuti at ipagdasal siya.
Nais din ni Jesus na ang pag-ibig na dinala Niya dito sa lupa ay maging tugunan, na ang mga tao ay magmamahalan upang makabuo ng pagkakaisa. Lahat nitong katangian ng pag-ibig ay makakatulong sa atin na unawaain at isabuhay ang Kataga ng Buhay ngayong buwang ito.
Oo, ang tunay na pag-ibig ay nagmamahal sa kapwa tulad ng sarili. Dapat itong tupdin. Dapat nating makita sa kapwa ang ating sarili at gawin sa kanya ang anumang gagawin natin sa sarili.
Ang tunay na pag-ibig ay nakikibahagi sa pagdurusa at kasiyahan ng kapwa, at tumutulong dalhin ang mga pasanin ng kapwa. Tulad ng sinabi ni San Pablo, sa ganitong paraan nakikiisa tayo sa kapwa na ating minamahal. Ang pag-ibig ay hindi lang damdamin o magagandang salita kundi pagsasabuhay at pagkilos.
Ang mga kabilang sa ibang relihiyon ay nagsisikap ding isabuhay ito dahil napapaloob ito sa “Ginintuang Batas” na nasa lahat ng relihiyon. Nais nitong gawin natin sa kapwa ang nais nating gawin sa atin ng kapwa. Ipinaliwanag ito ni Gandhi sa isang payak at maayos na paraan: “Hindi ko maaaring saktan ang aking kapwa nang hindi ko sinasaktan ang aking sarili.”
Ngayong buwang ito ay may pagkakataon tayong pagtuunang muli ang pag-ibig sa kapwa. Maraming mukha ang kapwa natin: siya ang ating kapit-bahay, kaklase, kaibigan, kamag-anak.
Siya rin ang larawan ng nagdurusang sangkatauhan na makikita natin sa telebisyon sa mga bansang may gyera o nasalanta ng kalamidad. Noong una ay hindi natin sila kilala at malayo sa atin. Ngayon, sila rin ay ating kapwa.
Ang pag-ibig ang magmumungkahi sa atin kung ano ang dapat nating gawin sa bawat sitwasyon. Unti-unting lalaki ang ating mga puso tulad ng puso ni Jesus.
“Mahalin ang kapwa tulad ng sarili.”(Mt 22,39) Sinulat ni Chiara Lubich