280 likes | 452 Views
Kataga ng Buhay. Disyembre 2008. “Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.” (Lc 22,42).
E N D
Kataga ngBuhay Disyembre 2008
“Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.”(Lc 22,42)
Ganap nitong ipinapahayag ang dramang nagaganap sa kalooban ni Jesus. Ito ay panloob na pagkabagabag na nagmumula sa malalim na pagtutol ng Kanyang pagiging tao sa harap ng isang kamatayan na ninais ng Kanyang Ama. Natatandaan mo ang mga salitang ito? Patungkol ito ni Jesus sa Ama noong Siya’y nasa hardin ng Getsemane. Ang mga salitang ito ay nagbibigay-kabuluhan sa Kanyang paghihirap na sinundan pagkatapos ng Muling Pagkabuhay.
Ngunit hindi hinintay ni Kristo ang araw na iyon upang iayon ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos. Ganito ang Kanyang naging pagkilos sa buong buhay Niya.
Kung ganito ang naging pagkilos ni Kristo, ganito rin ang dapat maging pagkilos ng bawat Kristiyano. Dapat din nating ulitin sa ating buhay:
“Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.”
Maaaring hindi mo pa ito napag-isipan, kahit nabinyagan ka na bilang anak ng Simbahan.
Maaaring nasambit mo ang mga salitang ito dahil sumuko ka na – isang bagay na ginagawa ng isang tao kapag wala ng pagpipilian. Ngunit hindi ito ang tamang paliwanag nito.
Makinig ka: sa buhay mo ay maaari kang magtungo alinman sa dalawang direksyon. Maaari mong gawin ang iyong kalooban, o maaari mong malayang piliin na tupdin ang kalooban ng Diyos.
Sa una, agad mong mararanasan ang kabiguan dahil sa pagtatangka mong umakyat sa bundok ng buhay na umaasa lamang sa iyong sariling isip, talino, pangarap o lakas.
Malao’t madali, lahat ng ito ay magiging dahilan upang mabagot ka sa buhay, walang patutunguhan, walang sigla, at kung minsan, walang pag-asa.
Mawawalan ng kulay ang buhay mo sa kabila ng iyong pagsisikap na gawin itong kawili-wili. Mawawala ang kapayapaan sa kalooban mo. Aminin mo na, dahil hindi mo ito maipagkakaila. Bukod dito, sa katapusan ng buhay mo ay lilisan ka na walang maiiwang bakas – ilang patak lang ng luha at pagkatapos ay ganap na malilimutan. Ngunit kung tutupdin mo ang kalooban ng Diyos, muli mong isasabuhay ang mga salita ni Kristo:
“Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.”
Isipin natin ang Diyos ay tulad ng isang araw. May isang sinag ng araw para sa bawat isa sa atin. Ang sinag na ito ang kalooban ng Diyos para sa akin, sa iyo, sa bawat isa.
Ang mga Kristiyano at lahat ng taong may mabuting kalooban ay tinatawag na laging maglakbay patungo sa araw, sa liwanag ng kanyang sinag, na kakaiba at tanging kanya lamang. Sa ganitong paraan, matutupad nila ang napakaganda at natatanging plano ng Diyos para sa kanila.
Kung ganito rin ang gagawin mo, matatagpuan mo iyong ang sarili na bahagi nitong makalangit na karanasan na hindi mo kailanman pinangarap. Ikaw ay magiging parehong tagaganap at tagapanood ng isang dakilang bagay na isinasakatuparan ng Diyos sa iyo at sa sangkatauhan sa pamamagitan mo.
Lahat ng iyong magiging karanasan – paghihirap at kaligayahan, biyaya at kamalasan, malalaking pangyayari (tulad ng magandang kapalaran o ang pagkawala ng isang minamahal sa buhay) at maliliit (pang-araw-araw na pangyayari sa bahay, trabaho o paaralan); lahat ng ito ay magkakaroon ng bagong halaga dahil iniaalay mo ito sa Diyos na Pag-ibig.
Lahat ng Kanyang niloloob o pinahihintulutang mangyari ay para sa ating kabutihan. Maaaring sa una ay tatanggapin mo ito dahil sa iyong pananampalataya. Ngunit pagkatapos ay makikita mo na totoong may gintong sinulid na nag-uugnay sa lahat ng pangyayari sa buhay mo at bumubuo ng isang magandang burda – ito ang plano ng Diyos para sa iyo.
Maaaring makita mong kaakit-akit ito. Maaaring gusto mong bigyan ng higit na malalim na kahulugan ang buhay mo. Makinig ka, una sa lahat sasabihin ko sa iyo kung kailan mo tutupdin ang kalooban ng Diyos.
Isipin mo: tapos na ang nakaraan at hindi mo na ito maibabalik pa. Hayaan mo na ito sa awa ng Diyos. Ang hinaharap naman ay hindi pa dumadating – isasabuhay mo ito pagdating nito. Ang tanging nasa kamay mo ay ang kasalukuyan. Sa kasalukuyang sandali ay dapat mong isabuhay ang mga salitang:
“Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.”
Kung naglalakbay ka sa tren – at ang buhay ay isang paglalakbay – dapat kang manatili sa iyong upuan. Hindi mo iisiping magparoo’t parito sa loob ng tren upang pabilisin ang oras. Ngunit ito ang nangyayari kung nabubuhay tayong nangangarap sa isang hinaharap na wala pa ngayon o kaya’y iniisip natin ang nakaraan na hindi na natin maibabalik.
Ang panahon ay lumalakad mag-isa. Dapat tayong manatiling nakaugat sa kasalukuyang sandali, at mararating natin ang kaganapan ng ating buhay. Maaari mong itanong: paano ko malalaman ang kalooban ng Diyos para sa akin? Hindi mahirap malaman ang kalooban ng Diyos kung tayo’y nananatili sa kasalukuyang sandali. May isang paraan.
Ang Diyos ay nagsasalita sa kalooban mo. Maaaring noong una ay malimit nating tinatakpan ang Kanyang tinig kaya’t bahagya natin itong marinig. Ngunit makinig kang mabuti, dahil nagsasalita sa iyo ang Diyos. Sinasabi Niya sa iyo kung kailan ang sandali ng pag-aaral, ng pagtulong sa kaibigang nangangailangan, ng pagtatrabaho. Sinasabi Niya na dapat lampasan ang tukso, gampanan ang tungkulin bilang isang Kristiyano o mamamayan.
\ Ang tinig ng Diyos sa loob mo ang magtutulak sa iyo na makinig sa mga nagsasalita sa iyo sa Kanyang ngalan; tinutulungan ka nitong harapin nang buong lakas-loob ang mahihirap na sitwasyon.
Huwag mong takpan ang tinig na ito – ito ang pinakamahalagang kayamanan mo. Sundan mo ito.
At sa bawat sandali ay maaari mong isulat ang kwento ng buhay mo, isang kwentong makatao at makalangit dahil katulong mo ang Diyos. Makikita mo ang mahihiwagang bagay. Makikita mo kung ano ang ginagawa ng Diyos sa mga taong nagsasabuhay ng:
“Huwag ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban Mo.” Sinulat ni Chiara Lubich