240 likes | 488 Views
Kataga ng Buhay. Hulyo 2009. “Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.” (Lc 12:33).
E N D
Kataga ng Buhay Hulyo 2009
“Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.”(Lc 12:33)
Kabataan ka ba at nangangarap ng isang buhay na may mataas na mithiin, ganap na pananagutan at radikal na pagbabago? Makinig ka kay Jesus, dahil walang sinuman sa mundo ang hihingi sa iyo ng higit pa. Ito ang pagkakataon na patunayan ang iyong pananampalataya, kagandahang-loob at kagitingan.
May sapat ka bang gulang at naghahanap ng maayos na pamumuhay na may halaga at paninindigan, na hindi ka bibiguin?
O may edad ka na at nais mong ibigay ang mga huling taon ng buhay mo sa isang hindi manloloko, at mamumuhay ka na walang inaalala? Ang mga salitang ito ni Jesus ay para sa iyo.
Ito ang katapusan ng sunod-sunod na mga pangaral kung saan hinihingi ni Jesus na huwag mag-alala tungkol sa kakainin o susuotin, bagkus ay tingnan ang mga ibon sa langit na hindi naghahasik, at ang bulaklak sa parang na hindi humahabi.
Alisin sa puso ang lahat ng pagkabalisa sa mga bagay dito sa lupa. Ang Ama mismo ang mag-aalaga sa iyo dahil mahal ka Niya nang higit pa sa mga ibon at bulaklak. Kaya’t sinasabi sa iyo ni Jesus:
“Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.”
Hinihingi ng Ebanghelyo, sa kabuuan nito at sa bawat salitang taglay nito, ang buo mong sarili at lahat ng iyong ari-arian.
Bago dumating si Kristo dito sa mundo, hinding-hindi humingi ng sukdulan ang Diyos. Sa Lumang Tipan, ang mga kayamanan sa lupa ay kinikilala bilang isang mabuting bagay, isang biyaya mula sa Diyos. Kailangang magbigay ng limos sa nangangailangan, isa itong paraan upang makamit ang pagpapala ng Diyos na Makapangyarihan.
Paglipas ng panahon, naging pangkaraniwan para sa mga Judyo ang kaisipan ng isang gantimpala sa kabilang buhay. May isang hari, na binigyan ng matinding babala dahil nilustay niya ang lahat niyang ari-arian, ang nagsabi, “Nag-ipon ang aking mga ninuno ng kayamanan para sa buhay dito sa lupa, ngunit ako ay nag-ipon ng kayamanan para sa susunod na buhay.”
Kakaiba ang mga salita ni Jesus dahil humihingi Siya ng ganap na handog. Hinihingi Niya sa iyo ang lahat. Ayaw ni Jesus na pagtuunan lang natin ng pansin ang mga bagay dito sa mundo. Nais Niya na sa Kanya lang tayo umasa.
Alam Niya na ang mga kayamanan dito sa lupa ay malaking hadlang dahil maaaring ito ang sumakop sa puso natin. Nais ni Jesus na sa Kanya lamang mapabilang ang puso natin. Kaya inuulit Niya sa atin:
“Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.”
Kung hindi natin maaalis ang ating mga ari-arian dahil sa ating pamilya o ibang pananagutan, o kaya’y hinihiling ng ating katungkulan sa lipunan ang isang uri ng pamumuhay, iminumungkahi dito na kahit sa paraang espiritwal ay kumalas tayo sa mga bagay na ito. Tayo ay mga tagapamahala lamang ng kayamanang ito.
Sa ganitong paraan, kahit may kayamanan ay maaari pa rin tayong magmahal ng kapwa. Sa pamamahala nito, magtitipon tayo ng kayamanan na hindi maaaring sirain ng tànga o kunin ng magnanakaw.
Paano tayo makatitiyak kung ano ang ating kikipkipin at ano ang ating ipapamigay? Makinig tayo sa tinig ng Diyos sa ating puso. At kung hindi ka makapagpasya, humingi ka ng payo sa iba.
Matutuklasan mo na marami kang sobra sa iyong mga ari-arian. Huwag mo itong itago. Magbigay. Magbigay sa mga wala. Isabuhay mo ang mga salita ni Jesus, “Ipagbili… at magbigay.” Kung ganito ang gagawin mo, pupunuin mo ang lukbutan ng mga bagay na hindi lilipas.
Dahil ikaw ay nasa mundo, makatwiran lang na isipin mo ang pera at materyal na bagay. Ngunit ayaw ng Diyos na mabahala ka tungkol dito. Isipin mo lamang kung paano magkakaroon ng sapat na halaga upang mamuhay ayon sa iyong pangangailangan. At sa sobra:
“Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.”
Tunay na dukha si Papa Pablo VI. Isang patunay ay ng ninais niyang ilibing sa isang simpleng kabaong sa lupa. Bago namatay ay sinabi niya sa kanyang kapatid, “Matagal nang handa ang aking maleta para sa mahalagang paglalakbay na ito.” Ito rin ang dapat nating gawin, ihanda natin ang ating maleta.
Noong panahon ni Jesus, tinatawag itong lukbutan, ibig sabihin ay maliit na bag.. Ihanda mo ito araw-araw. Punuin mo ito ng mga bagay na mahalaga para sa kapwa. Tunay na pag-aari mo ang mga bagay na ibinibigay mo. Isipin mo kung gaano kalaki ang gutom dito sa mundo, malaking paghihirap, maraming pangangailangan
Ilagay mo rin sa iyong maleta ang bawat pag-ibig at kabutihan na ginagawa mo sa kapwa. Gawin mo ang lahat para sa Diyos, at sabihin mo sa iyong puso, “Ito ay para sa Iyo.” Ganap mong tupdin ang bawat gawain, dahil nakatakda ito sa langit. Mananatili ito sa buhay na walang hanggan.
“Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tànga.”(Lc 12:33) Sinulat ni Chiara Lubich