270 likes | 486 Views
Kataga ng Buhay. Nobyembre 2011. “ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” ( Mt 25:13). Kalalabas pa lamang ni Hesus sa templo. Nagmamalaking itinuturo sa Kanya ng mga alagad ang kadakilaan at kagandahan ng mga gusali.
E N D
Kataga ng Buhay Nobyembre 2011
“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” (Mt 25:13)
Kalalabas pa lamang ni Hesus sa templo. Nagmamalaking itinuturo sa Kanya ng mga alagad ang kadakilaan at kagandahan ng mga gusali.
Tumugon si Hesus: «Nakikita ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng kapwa bato. Lahat ay iguguho! ».
Pagkatapos, umakyat Siya sa Bundok ng mga Olibo, umupo doon habang nakatingin sa Jerusalem, nagsimula Siyang magsalita tungkol sa pagkawasak ng siyudad at ang katapusan ng mundo.
Ano ang mangyayari sa katapusan ng mundo? – tanong sa Kanya ng mga alagad – at kailan ito mangyayari?
Ito ang katanungan na patuloy na itinatanong ng mga sumunod na saling-lahi ng mga Kristiyano, gayundin ng bawat tao.
Ang bukas ay tunay na mahiwaga at madalas na nakakatakot. Sa panahon din natin ngayon, ang mga tao ay nagtatanong sa mga manghuhula na tumitingin sa kanilang mga kapalaran upang malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap…
Maliwanag ang sagot ni Jesus: ang katapusan ng panahon ay kasabay ng kanyang pagdating. Siya, ang Panginoon ng kasaysayan, ay magbabalik. Siya ang liwanag sa hinaharap.
At kailan magaganap ang pagtatagpong ito? Walang nakakaalam. Maaaring dumating ito anumang oras. Ang ating buhay ay nasa Kanyang mga kamay.
Ibinigay Niya iyon sa atin; maaari Niyang bawiin, kahit sa isang iglap, nang walang babala. Gayunman, binalaan niya tayo: maihahanda natin ang ating sarili sa pangyayaring ito kung mananatili tayong gising at mapagmasid.
“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Sa pagsasabi nito, una sa lahat, nais ni Hesus na ipaalala sa atin na Siya ay darating. Matatapos ang ating buhay sa mundo at magsisimula ang bagong buhay na hindi magwawakas. Walang sinuman ang may gustong pag-usapan ang kamatayan sa ngayon…
Kung minsan, ginagawa natin ang lahat upang tayo’y maging abala, ibinubuhos ang sarili sa pang araw-araw na gawain hanggang sa makalimutan na natin na Siya ang nagbigay sa atin ng buhay at Siya rin ang babawi nito upang ipakilala sa atin ang kaganapan ng buhay, at makipag-isa sa kanyang Ama sa langit.
Handa ba tayong makatagpo Siya? Magkakaningas ba ang ating mga lampara tulad ng mga mapaghandang dalaga na naghihintay sa kanilang kasintahan? Sa madaling salita, tayo ba ay nagmamahal?
O mamamatay na ang ating mga ilawan dahil labis tayong nadadala ng mga bagay na gagawin, ng mga panandaliang kasiyahan, ng pagkakamit ng mga materyal na bagay kaya’t nalilimutan natin ang isang bagay na pinakamahalaga: ang magmahal?
“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Paano nga ba tayo mananatiling gising? Una sa lahat, alam natin na sinumang nagmamahal, siya ay nananatiling gising, naghihintay.
Halimbawa, isang maybahay na matiyagang naghihintay sa kanyang kabiyak na hindi pa dumarating mula sa kanyang trabaho o kaya ay mula sa malayong biyahe; isang ina na nananatiling gising at nag-aalala sa anak na hindi pa dumarating; sinuman ang nagmamahal ay sabik na naghihintay sa sandali na makita ang kanyang minamahal… Sinumang nagmamahal ay handang maghintay kahit na ang minamahal ay nahuhuli sa kanyang pagdating.
Hinihintay natin si Hesus kung minamahal natin Siya at marubdob nating minimithi na makatagpo Siya.
At hihintayin natin Siya sa pamamagitan ng pagmamahal sa kongkretong paraan, sa paglilingkod sa Kanya, halimbawa, sa mga taong nasa paligid natin o sa paggawa upang bumuo ng isang makatarungang lipunan.
Si Hesus mismo ang nag-aanyaya sa atin na mamuhay ng ganito nang isalaysay Niya sa atin ang tungkol sa tapat na alagad na, sa kanyang paghihintay sa pagdating ng kanyang panginoon, ay pinamahalaan din ang iba pang mga tagapaglingkod, gayundin ang kanyang kabuhayan; o kaya ang talinghaga ng mga alipin na sa kanilang paghihintay sa pagdating ng kanilang panginoon, ay ginamit sa mabuting paraan ang mga talentong kanilang tinanggap.
“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Sapagkat hindi natin alam ang araw o oras ng Kanyang pagdating, maaari nating pagbuhusan ng panahon ang pagsasabuhay ng bawat araw, harapin ang anumang suliranin na makakaharap, at anumang Kaloob ng Diyos na iniaalay Niya sa atin ngayon.
Kamakailan lamang, dinasal ko ang panalanging ito sa Diyos. Nais kong alalahanin ito ngayon.
“Jesus, hayaan mo akong magsalita Na para bang ito na ang huling salita na aking sasambitin. Hayaan mong ako’y kumilos Na para bang ito na ang huling bagay na aking gagawin. Hayaan mo akong magdusa Na para bang ito na ang huling pagdurusa Na maaari kong ialay sa Iyo. Hayaan mo akong manalangin Na para bang ito na ang huling pagkakataong Magagawa ko dito sa mundo Upang makipag-usap sa iyo.”
“Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” Isinulat ni : Chiara Lubich