250 likes | 483 Views
Kataga ng Buhay. Abril 2010. “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.” (Jn 11,25). Binanggit ni Jesus ang mga salitang ito noong mamatay si Lazaro na taga-Betania, na Kanyang binuhay noong ikaapat na araw.
E N D
Katagang Buhay Abril 2010
Binanggit ni Jesus ang mga salitang ito noong mamatay si Lazaro na taga-Betania, na Kanyang binuhay noong ikaapat na araw.
Si Lazaro ay may dalawang kapatid: si Marta at Maria. Nang narinig ni Marta na dumarating si Jesus, agad siyang sumalubong at nagsabi: “Panginoon, kung Kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
“Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Jesus. Sumagot si Marta, “Alam ko pong siya’y mabubuhay muli sa huling araw.” Sinabi naman ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay. Sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman.”
Nais bigyang-linaw ni Jesus kung sino Siya para sa atin. Taglay Niya ang pinakamahalagang bagay na maaaring naisin ninuman: ang buhay, ang buhay na hindi kailanman mamamatay.
Kung nabasa mo ang Ebanghelyo ni San Juan, maaaring napansin mo na sinabi rin ni Jesus: “Kung paanong ang Ama ay may buhay sa Kanyang sarili, gayundin pinagkalooban Niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa Kanyang sarili.” At dahil si Jesus ay may buhay, maaari Niyang ibigay ito sa iba.
Si Marta ay naniniwala rin sa “muling pagkabuhay sa huling araw.”
Sa napakaganda Niyang pagpapatibay, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay,” ipinapaliwanag ni Jesus na hindi na dapat pang maghintay si Marta at umasa sa muling pagkabuhay sa hinaharap.
Ngayon din, sa kasalukuyang sandali, para sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya, si Jesus ang buhay – ang makalangit, hindi mailarawan at walang hanggang buhay na hindi kailanman mamamatay.
Kung si Jesus ay nananahan sa mga sumasampalataya, kung Siya ay nasasaiyo, hindi ka mamamatay. Ang buhay na ito sa lahat ng sumasampalataya ay isang pakikilahok sa buhay ni Jesus na muling nabuhay. Kaya’t ito’y ganap na kakaiba sa ating pangkaraniwang kalagayan sa buhay.
Itong di-pangkaraniwang buhay na taglay mo na rin ay ganap na makikita sa huling araw. At ang buo mong katauhan ay makikilahok sa muling pagkabuhay na darating.
Nang sinabi ito ni Jesus, hindi naman Niya ipinagkakaila na may kamatayang pisikal. Ngunit sinasabi Niya na ang kamatayang pisikal ay hindi nangangahulugan ng pagkawala ng tunay na buhay. Para sa ating lahat, ang kamatayan ay mananatiling kakaiba, matinding karanasan at maaaring isa sa mga kinatatakutan. Ngunit hindi na ito muling mangangahulugan na walang halaga ang buhay. Hindi na ito ang katapusan ng lahat. Para sa atin, ang kamatayan ay hindi na mangangahulugan na isang tunay na kamatayan.
Kailan tayo isinilang sa Buhay na ito na hindi kailanman mamamatay? Sa sandali ng ating binyag. Sa sandaling iyon, bagamat bilang tao ay mamamatay rin tayo, tinanggap natin ang walang hanggang buhay mula kay Kristo. Sa katunayan, sa binyag ay tinanggap natin ang Banal na Espiritu na Siyang bumuhay kay Jesus mula sa mga patay.
Ang kondisyon sa pagtanggap ng sakramentong ito ay ang pananampalataya na ating ipinahayag, o ipinahayag ng mga ninong at ninang natin. Sa katunayan, noong muling binuhay si Lazaro, maliwanag na sinabi ni Jesus kay Marta: “Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay... Pinaniniwalaan mo ba ito?”
Napakahalaga ng “paniniwalang” ito. Hindi ito nangangahulugan na tanggapin na lamang ang mga katotohanang ipinahayag ni Jesus. Ibig din nitong sabihin ay sundan ito nang buong puso.
Upang magkaroon ng buhay na ito, dapat tayong mag-“oo” kay Kristo. Ibig sabihin ay sumunod sa Kanyang mga salita, utos at mamuhay ayon dito. Nangako si Jesus, “Ang namumuhay ayon sa Aking aral, kailanma’y di makakaranas ng kamatayan.” At ang buod ng mga turo ni Kristo ay pag-ibig. Hindi maaaring hindi ka maging maligaya. Taglay mo ang buhay!
Ngayong panahong ito na naghahanda tayo sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay, magtulungan tayo na papanibaguhin ang ating pasya at patuloy na pagsisikap na mamatay sa ating sarili upang si Kristo. ang Panginoong Muling Nabuhay, ay manahan sa piling natin ngayon pa man.
" Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.“ (Jn 11,25) Sinulat ni: Chiara Lubich