210 likes | 661 Views
Kataga ng Buhay. Setiembre 2012. « Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan. » Jn 4:13-14.
E N D
Kataga ng Buhay Setiembre 2012
«Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.» Jn 4:13-14
Sa “perlas” na ito ng Ebanghelyo, sa pakikipag-usap ni Jesus sa isang Samaritana malapit sa balon ni Jacob, sinabi niya na ang tubig ang pinakasimple sa mga elemento, subalit ito ang higit na pinakamimithi, ang pinakamahalaga sa sinumang nakakaalam sa disyerto.
Kaya’t hindi na kailangang ipaliwanag pa ang tungkol sa kahalagahan ng tubig.
Ang tubig sa balon ay para sa ating karaniwang buhay, samantalang ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay para sa buhay na walang hanggan.
Ang disyerto ay nananariwa lamang pagkatapos ng malakas na pag-ulan. Gayundin ang binhing itinanim sa atin noong tayo’y bininyagan ay uusbong lamang kapag diniligan ng salita ng Diyos.
Pagkatapos ay tumutubo ang halaman, nagbibigay ng bagong sibol at hugis na nagiging isang puno o magandang bulaklak. Nangyayari ito dahil sa buhay na tubig ng salita ng Diyos na nagbibigay buhay dito at pinapanatili ito para sa buhay na walang hanggan.
«Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay Ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.»
Ang mga salita ni Jesus ay para sa ating lahat na sa mundong ito ay nauuhaw: sa mga nakakaramdam ng pananamlay sa kanilang pananampalataya at patuloy na nauuhaw, at sa mga hindi man lamang nakakamalay sa pangangailangan na uminom mula sa bukal ng tunay na buhay at sa mga dakilang pagpapahalaga ng sangkatauhan.
Inaanyayahan ni Jesus ang lahat ng lalaki at babae sa ngayon, ibinubunyag kung saan natin matatagpuan ang lahat ng kasagutan sa ating mga katanungan at makapagbibigay ng kaganapan sa lahat ng ating mithiin.
Nasa sa atin na, kung gayon, na humugot sa kanyang mga salita, at hayaan ang ating mga sarili na mabalot ng kanyang mensahe. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapanibago ng ating buhay, sukatin ito ayon sa kanyang mga salita, mag-isip na taglay ang kaisipan ni Jesus, at magmahal kung paano siya magmahal.
Sa bawat sandali na isinasabuhay natin ang Ebanghelyo, tayo ay umiinom ng isang patak ng buhay na tubig na iyon.
Ang bawat kilos ng pagmamahal na ating ginagawa para sa ating kapwa ay parang pagsipsip sa tubig na iyon.
Oo, dahil ang tubig na iyon, na buhay at mahalaga, ay mayroong natatanging katangian. Ito ay bumabalong sa ating kalooban sa tuwing binubuksan natin ang ating puso para sa iba. Ito ay ang bukal ng Diyos na dumadaloy sa atin sa tuwing pinapawi natin ang uhaw ng iba sa pamamagitan ng maliit o malaking kilos ng pagmamahal.
«Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.»
Sa gayon, naunawaan natin na upang maiwasan ang hirap dahil sa pagkauhaw, kailangan nating ibigay sa iba ang buhay na tubig na nasa ating kalooban na nagmumula sa kanya.
Maliit lamang ang kinakailangan: kung minsan ay isang salita, isang ngiti, isang simpleng pahayag ng pakikisangkot. Sapat na ito upang makakapagbigay sa atin ng panibagong kaganapan, ng malalim na kasiyahan, at bugso ng kagalakan. Kung patuloy tayong magbibigay, itong bukal ng kapayapaan at buhay ay lalong magbubuhos ng tubig na sagana na kaylanman ay hindi matutuyo.
Ipinahayag rin ni Jesus sa atin ang isa pang lihim, isang uri ng walang hanggang balon kung saan tayo makakakuha. Kung may dalawa o tatlo na natitipon sa kanyang pangalan, sa pagmamahalan na katulad ng kanyang pagmamahal, siya ay nasa ating gitna.
Mararamdaman natin na tayo ay malaya, na tayo ay isa, puno ng liwanag, na may ilog ng buhay na tubig na bumabalong mula sa ating kalooban. Ito ang katuparan ng pangako ni Jesus dahil ito ay mula mismo kay Jesus. Siya ay nasa ating piling, ang nakakapatid-uhaw na tubig na dumadaloy hanggang sa walang hanggan.
«Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.»(Jn 4, 13-14)