230 likes | 524 Views
Kataga ng Buhay. Setyembre 2010. "Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito." ( Mt 18,22).
E N D
Katagang Buhay Setyembre 2010
"Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito." (Mt 18,22)
Ito ang tugon ni Jesus kay Pedro na matapos makinig sa magagandang bagay na Kanyang sinabi ay nagtanong: “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sagot ni Jesus: “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.”
Malalim na naantig si Pedro ng pangaral ng Panginoon at dahil siya ay mabuti at mabait na tao, naisip niyang sumunod sa mga turo ni Jesus. Handa siyang kumilos kahit gumawa ng isang bagay na di-pangkaraniwan, magpatawad hanggang makapito. [...]
Ngunit sumagot si Jesus, “... pitumpung ulit pa nito.” Para sa Kanya, ang pagpapatawad ay walang hanggan Dapat tayong magpatawad lagi.
"Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.”
Ipinapaalala ng mga salitang ito ang awitin ni Lamec, na kaapu-apuhan ni Adan, “Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito’y pitong patong agad, ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu’t pitong patong ang kaparusahan”. Ganito nagsimulang kumalat ang poot sa ugnayan ng mga tao sa mundo, para itong umaapaw na ilog na nagiging isang malawak na dagat ng kapootan.
Upang labanan ang paglaganap ng kasamaan, iminumungkahi ni Jesus ang walang-hanggan at walang pasubaling kapatawaran na may kakayahang putulin ang pag-ikot ng karahasan.
Tanging ang pagpapatawad ang makakaputol sa kasamaan at makakapaghandog sa sangkatauhan ng isang kinabukasan na nangangako ng ibang bagay maliban sa sariling kasiraan.
"Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.”
Dapat tayong magpatawad, laging magpatawad. Ngunit ang pagpapatawad ay hindi tulad ng paglimot, na malimit ay naglalarawan ng pag-aalinlangan na harapin ang sitwasyon.
Ang pagpapatawad ay hindi rin tanda ng kahinaan: hindi ibig sabihin nito ay bale-walain ang pagkakamali na maaaring nagdulot sa atin ng paghihirap ng kalooban, dahil lamang sa takot sa taong gumawa nito. Ang pagpapatawad ay hindi sabihing mabuti ang isang bagay na sa totoo ay masama, o sabihing hindi gaanong mahalaga ngunit sa totoo ay mabigat at matindi.
Ang pagpapatawad ay hindi pag-alintana. Ang pagpatawad ay isang alam at kusang pagkilos ng kalooban, kaya’t ito’y isang malayang pagkilos. Ito ang nagtutulak sa atin na tanggapin ang ating kapwa kung sino at ano sila sa kabila ng ginawa nilang pagkakamali sa atin, tulad nang tinanggap tayo ng Diyos kahit tayo’y makasalanan at sa kabila ng ating mga pagkakamali. Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na suklian ng pagkakamali ang isa. Bagkus ito ay gawin ang sinabi sa atin ni San Pablo: “Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.”
Ang pagpapatawad ay paghahandog sa nagkasala sa atin ng pagkakataon na makabuo ng isang bagong ugnayan sa atin. Sa ganoong paraan, pareho tayong makakapagsimula muli, at mararanasan natin ang isang kinabukasan kung saan hindi ang kasamaan ang may huling salita.
"Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.”
Paano natin isasabuhay ang mga salitang ito? Tinanong ni San Pedro si Jesus, “Makailan kong patatawarin ang aking kapwa?”
Nang sumagot si Jesus, iniisip Niya, higit sa lahat, ang ugnayan ng mga Kristiyano, ng mga kasapi sa iisang sambayanan.
Kaya, ganito dapat ang pagkilos natin, una sa lahat, sa mga nakikibahagi sa ating pananampalataya, sa ating pamilya, sa trabaho, sa paaralan, at sa iba pa. Alam natin na sinumang nasaktan ay malimit natutuksong gumanti, at gamitin din ang ganoong salita o pagkilos.
At alam natin na kahit ang mga sarili nating kasambahay ay malimit na nagkukulang sa pagmamahal dahil sa pagkakaiba ng katangian, kabagutan, o iba pang dahilan. Kaya’t huwag nating kalimutan na tanging ang patuloy at pinaninibagong saloobin ng pagpapatawad ang makakapagbalik ng kapayapaan at pagkakaisa.
Lagi tayong matutuksong isipin ang kakulangan ng kapwa, alalahanin ang nakaraan, at iniisip natin na sana ay kaiba sila sa kung anong sila ngayon. Ngunit kailangan nating matutunang tingnan sila nang may bagong mata, makita sila bilang bagong tao, at lagi silang tanggapin agad nang walang pasubali, kahit hindi sila magsisi.
Maaari mong sabihin, “Mahirap iyon!” Tama ka. Ito ang hamon ng ating buhay Kristiyano. Sa totoo lang, sumusunod tayo sa isang Diyos, na noong mamamatay na sa krus ay humiling sa Ama na patawarin ang mga taong nagtulak sa kanya sa kamatayan. At Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Magsimula tayong mamuhay nang ganito. Makakatagpo tayo ng kapayapaan at kaligayahan na hindi natin kilala at hindi pa nararanasan.
"Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito." (Mt 18,22) Sinulat ni Chiara Lubich