180 likes | 374 Views
Kataga ng Buhay. Nobyembre 2009. “Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.” (Mt 19,24).
E N D
Kataga ng Buhay Nobyembre 2009
“Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.”(Mt 19,24)
Ano ang nasasaisip mo nang mabasa mo ito? Palagay ko ay may dahilan tayo para maguluhan at mag-isip kung ano ang pinakamabuting gawin. Ang mga salita ni Kristo ay hindi lamang matalinghaga. Kinakailangang unawaing mabuti ang mga salitang ito at hindi haluan ng ibang kahulugan.
Subukan nating unawain mula kay Jesus mismo ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito, kung paano Siya nakisalamuha sa mayayaman. Nakisama Siya kahit sa mga maykaya. Sinabi Niya kay Zakeo, na nagbigay ng kalahati lamang ng kanyang mga ari-arian, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito.”
Bukod dito, ipinakita rin sa aklat ng Gawa ng mga Apostoles na malayang isinasabuhay ng mga unang Kristiyano ang pagbabahaginan ng mga ari-arian.
Kaya’t ang kongkretong pagbitiw sa mga ari-arian ay hindi sapilitan. Hindi inisip ni Jesus na magtatag ng sambayanan na tinatawag na sumunod sa Kanya upang talikuran lamang ang lahat nilang kayamanan.
Ngunit sinabi Niya, “Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.”
Ano ang tinutuligsa ni Jesus? Tiyak na hindi ang mga kayamanan ng mundong ito, bagkus ay ang maling pagmamahal sa kayamanan ng mga maykaya. Bakit? Maliwanag ang sagot: dahil ang lahat ng bagay na ito ay sa Diyos. Ngunit kumikilos ang mayaman na parang kanya ang mga bagay na ito.
Kaya’t kinukuha ng kayamanan ang puwang sa puso ng tao na dapat sana’y para sa Diyos lamang. Sinisilaw nito ang kanilang paningin kaya’t madaling nag-uugat ang mga bisyo.
Sinulat ni San Pablo: Ang mga naghahangad na maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng masasamang hangaring nagtutulak sa kanila sa kapahamakan. Dahil ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan at dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi, may mga lumalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa paghihirap ng kalooban”.
Kahit noong unang panahon, pinatunayan na ni Plato na “imposible para sa isang tunay na mabait na tao na maging sobrang mayaman din.”
Ano ang nararapat na saloobin ng taong may mga ari-arian? Dapat maging malaya ang puso at maging ganap na bukas sa Diyos upang maramdaman nila na sila’y mga tagapamahala lamang ng pag-aari ng Diyos. Tulad ng sinabi ni Papa Juan Pablo II, pananagutan natin sa lipunan ang paggamit nito.
Hindi masama na magkaroon ng mga ari-arian dito sa lupa. Hindi natin ito dapat kamuhian, sa halip ay dapat natin itong gamitin nang wasto.
Hindi ang ating kamay ang dapat lumayo dito, kundi ang ating puso, dahil sinumang mayaman ay may ari-arian para sa kabutihan ng kapwa.
“Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.”
Maaari nating sabihin, “Hindi naman ako mayaman, kaya hindi para sa akin ang mga salitang ito.” Mag-ingat tayo. Matapos banggitin ni Jesus ang mga salitang iyon ay malungkot na nagtanong ang Kanyang alagad, “Kung gayon ay sino po ang maliligtas?” Maliwanag na ang mga salita ni Kristo ay patungkol sa lahat.
Kahit ang isang tao na iniwan ang lahat upang sumunod kay Kristo ay maaaring may maling pagmamahal sa maraming bagay. Kahit ang isang dukha na nagagalit sa sinumang humawak ng kanyang kaunting ari-arian ay isang “mayaman” para sa Diyos na may maling pagmamahal sa mga bagay dito sa lupa.
“Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.” Sinulat ni Chiara Lubich