260 likes | 526 Views
Kataga ng Buhay. Marso 2011. " Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi .“ ( Lc 1,38). Nais ng Diyos na ipahayag sa bawat isa sa atin ang tunay nating pagkatao tulad ng ginawa Niya kay Maria.
E N D
Kataga ng Buhay Marso 2011
"Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.“ (Lc 1,38)
Nais ng Diyos na ipahayag sa bawat isa sa atin ang tunay nating pagkatao tulad ng ginawa Niya kay Maria.
“Nais mo bang gawin kitang isang obra-maestra, pati rin ang buhay mo?” Tila ito ang tanong Niya sa atin. “Kung gayun, sundan mo ang daan na ituturo Ko sa iyo at malalaman mo kung sino ka sa Aking puso.
Lagi kitang nasasaisip at minahal kita mula’t sapul, tinawag kita sa iyong pangalan. Sa pagsasabi ko sa iyo ng Aking kalooban, ipinapahayag Ko ang tunay mong pagkatao.”
Maliwanag na hindi Niya ipinipilit sa atin ang Kanyang kalooban kundi ito’y pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal at ng Kanyang plano para sa atin. Ito ay dakila tulad ng pagiging dakila ng Diyos, ganap na kaakit-akit tulad ng Kanyang mukha: ito ay ang Diyos na nagbibigay ng sarili Niya sa atin.
Ang kalooban ng Diyos ay tulad ng isang gintong sinulid, isang makalangit na himig na ganap na nag-uugnay ng ating buhay dito sa lupa at sa kabila; mula sa walang-hanggan patungo sa walang-hanggan: simula sa kaisipan ng Diyos, patuloy dito sa lupa at matatapos sa langit.
Ngunit upang ganap na matupad ang disenyo ng Diyos, hinihingi Niya ang aking pagsang-ayon, gayundin ang sa iyo tulad ng paghingi Niya nito kay Maria. Ito lamang ang tanging paraan upang matupad ang salita na Kanyang binigkas para sa akin at para sa iyo. Kaya’t tayo rin, tulad ni Maria, ay tinatawagan upang magsabi:
"Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.“
Totoo na ang kalooban ng Diyos ay hindi laging maliwanag sa atin. Tulad ni Maria, kailangan din nating humingi ng liwanag upang maunawaan ang nais Niya.
Kailangan nating pakinggang mabuti ang Kanyang tinig sa ating kalooban, humingi ng payo, kung kailangan, sa taong maaaring makatulong sa atin. Ngunit sa sandaling maunawaan natin ang Kanyang kalooban, nais natin agad na tumugon ng “oo.”
Sa katunayan, kung naunawaan natin na ang Kanyang kalooban ang pinakadakila at pinakamagandang katotohanan sa ating buhay, hindi tayo “mapipilitang” gawin ang kalooban ng Diyos
kundi “ikaliligaya” natin na tupdin ang Kanyang kalooban, sundan ang Kanyang mga plano upang matupad ang kagustuhan Niya para sa atin. Ito ang pinakamaganda at pinakamatalinong bagay na ating magagawa.
Ang mga kataga ni Maria, “Narito ang alipin ng Panginoon,” ang ating tugon ng pag-ibig sa pag-ibig ng Diyos. Makakatulong ito sa atin na laging ituon ang pansin sa Kanya, makinig at sumunod, na ang tanging ninanais ay tupdin ang Kanyang kalooban upang mangyari ang ninanais Niya para sa atin.
Minsan ay para bang hindi makatwiran ang hinihingi Niya sa atin. Iba ang gusto nating gawin, nais nating magdesisyon para sa ating sarili.
Halos gusto nating magpayo sa Diyos, sabihin sa Kanya ang dapat at di dapat gawin.
Ngunit kung ako’y naniniwala na ang Diyos ay Pag-ibig at ako ay nagtitiwala sa Kanya, alam ko na anuman ang plano Niya para sa akin at sa mga taong malapit sa akin ay para rin sa akin at sa kanilang kabutihan.
Kaya’t ipagkakatiwala ko ang aking sarili sa Kanya at ipauubaya ko ang aking sarili nang may buong pagtitiwala sa Kanyang kalooban. Buong puso kong nanaisin ang kalooban ng Diyos, hanggang sa ito ay maging bahagi ng aking sarili. Batid ko na ang pagtanggap ng Kanyang kalooban ay pagtanggap sa Kanya, pagyakap sa Kanya, hayaan na ako ay Kanyang kalingain.
Maniwala tayo na walang nangyayari na nagkataon lamang. Walang pangyayari, maging ito man ay masaya, mahirap o di-nakakabahala, walang pagtatagpo, sitwasyon sa pamilya, trabaho, paaralan, walang kalagayang pisikal o moral na kalusugan na walang halaga.
Sa halip, bawat pangyayari, sitwasyon at tao ay naghahatid ng mensahe mula sa Diyos. Lahat ito ay tumutulong para sa kaganapan ng disenyo ng Diyos na dahan-dahan nating matutuklasan araw-araw, sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos tulad ng ginawa ni Maria.
"Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.“
Paano natin isasabuhay ang Kataga ng Buhay na ito? Ang pag-oo natin sa Kataga ng Diyos ay nangangahulugan ng ganap at taos-pusong pagsasakatuparan ng lahat ng hinihingi Niya sa atin sa bawat kasalukuyang sandali.
Buong puso nating ibigay ang sarili sa anumang ginagawa natin, isantabi ang lahat ng ibang bagay, iwaksi ang ibang iniisip, ninanais, inaalala o ginagawa.
Habang ginagawa natin ang bawat kalooban ng Diyos, masakit man ito o masaya o anuman, maaari nating ulitin: “Mangyari sa akin ang iyong sinabi”, o kaya ay tulad ng itinuro sa atin ni Jesus sa ‘Ama Namin’, “Sundin ang loob mo.”
Sabihin natin sa simula ng bawat gawain natin: “Mangyari sa akin”, “Sundin ang loob mo.” Sa ganitong paraan, mabubuo natin, bawat sandali, bawat piraso, ang napakaganda at natatanging disenyo ng ating buhay na mula’t sapul ay nasa isipan na ng Diyos para sa bawat isa sa atin.
"Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.“ (Lc 1,38) Sinulat ni Chiara Lubich